“Tama na yata?”
Hindi kumibo.
“Seo?”
Hindi narinig.
“Hyunseo.”
“Ah, sori.”
Pinagpag niya ang kanyang palda pagkatayo, at saka lang bumitaw ang alikabok at ligaw na damo, nagpadala sa hindi matakasang balani ng mundo sa lahat ng kinasasakupan nito.
“Anong oras tayo bukas?” ani Hyunseo, na parang bulong na ayaw ipamahagi sa kahit kanino. Hindi man lang binalik ang tingin, tila pati mata ay nahila ng mundo pababa. Ngunit dama ni Hyunseo ang titig, at ang hapdi sa balat na dala nito.
“Ikaw,” sagot ni Seeun, “wala naman akong lakad.” Tinanggal niya ang camera sa tripod, tinupi, isinauli ang gamit sa bag. Nanatili ang camerang nakasabit sa leeg niya, ang lens nitong kumikinang pa sa mga ligaw na sinag ng lumulubog na araw.
Nagbuntong hininga si Hyunseo. “Text kita. Medyo pagod lang ako. Sori.”
“Hatid kita?”
“Huy, shunga, wag na—”
Samantala, hindi napigilan ni Hyunseo ang pagkalkal ni Seeun sa pitaka, at pinilit na lamang niyang kalabanin ang kilabot na dinulot ang matinis na alog ng barya sa loob nito. “Sabing—”
“Wag ka nga. Edi wag kang magpahatid, pero kailangan ko rin ng pamasahe.” Isang segundo lamang ang lumipas. “Echosera.”
“Hoy!” Inambahan ni Hyunseo si Seeun ng hampas, ngunit hindi ito kinibo. Bagkus, bumunot lamang si Seeun ng dalawang bente: isa, isinuksok sa bulsa ng dibdib, pangalawa, inilaro sa gitna ng mga daliri nito. “Seryoso. Pagod na ako. Umuwi ka na.”
“Bibili ako ng kwek kwek. Problema mo?”
At sa kabila ng lahat, natagpuan ni Hyunseo ang sariling kasabay si Seeun maglakad sa bangketa, tungo sa pwesto ni Mang Jinyoung, taliwas sa akala niyang ninanais na sana ubos na ang paninda nito. Sa kabila ng tahimik na pagkanta ni Seeun ng kung ano mang paborito niyang awitin sa kasalukuyan, namuo ang mga damdamin sa loob ng dibdib ni Hyunseo na hindi matiyak ang kulay, o anyo, o kayarian. Sa kabila ng kagustuhan nitong mapag-isa, ito siya, dinaramdam ang mithing napakalapit at napakalayo nang sabay kung aabutin.
“Mang Papi!” pangiting bati ni Seeun sa matanda, “apat na kwek kwek nga po.”
“Apat lang? Ano, ubos na baon?” pabiro nitong sinagot. “O sya, gulaman na rin para sa inyong dalawa. Libre na.”
“Uy, first time mo ata manglibre? Dami benta mo ngayon, Paps?”
“Sakto lang,” sambit ng matanda, kasabay ng buntong hiningang hindi agad mawari ang sanhi, “tig-isa kayo. Lalo na yan,” turo kay Hyunseo, “para hindi na malungkot.”
Tinitigan lamang ni Hyunseo ang baso, hindi maunawaan ang kawalan ng gana ng mga kamay niyang sumunod sa utak at kunin. Tang ina naman, saway nito sa sarili, nang kunin ito ni Seeun at siya mismo ang mag-abot nito sa kanya. “Salamat po, Mang Papi.”
“Pogi mo po, Mang Papi!”
Ngunit sa buong lakad nitong dalawa tungo sa sakayan, walang ni isang salitang binitawan si Seeun kung hindi ang lirika ng kaniyang awitin, o si Hyunseo kung hindi ang malilliit na murang hindi man lang mabuo nang maayos. Tumigil ang dalawa sa ilalim ng silong ng sakayan, at binilang ni Hyunseo ang mga dyip ng byahe ni Seeun na halos walang sakay. Labing dalawa.
Si Seeun ang pumara.
“Ingat ka. Text moko,” wika ni Seeun, habang bumagal hanggang sa huminto sa harap ng sakayan ang dyip ng byahe ni Hyunseo. Ang nagiisang tamang nagawa ni Hyunseo sa buong araw, ayon sa pusong hindi maisatitik ang kirot, ang pagmamadaling makasakay nang hindi maabala ang ibang mga pasahero, ay napagtanto niyang mali rin pala.
3 likes from dandlndan, DotoliWrites, and Battoussaaii.